Mga Aral ng Buhay

-- Bob Ong --

"Hindi naman yung taong mahal mo ang mahirap kalimutan nung nawala siya sayo eh..
Kundi yung taong naging ikaw, dahil sa kanya."


"Bakit ka magtitiis sa taong alam mong sakit lang sa ulo mo? Wag mong ikulong ang sarili mo sa hawlang ginto pero sira ang kandado. Sino bang may sabing hindi madaling makahanap ng kapalit? Kahit ibon marunong maghanap ng bagong pugad. Tao pa kaya?"


"Makakapili ka ng lugar na uupuan mo, pero hindi mo mapipili ang taong uupo sa puwang sa tabi mo.
Ganyan ang senaryo sa bus. Ganyan din ang sa pag-ibig.
Lalong di mo kontrolado kung kelan sya bababa."


"Ano namang mapapala mo kakaisip sa nakaraan at sa mga pwede pang mangyari? Wala ka naman sigurong super powers para maibalik ang nakalipas na. Dapat matuto kang pahalagahan ang mga nangyayari sayo sa kasalukuyan. Isipin mo yung ngayon. I-enjoy mo lang ang buhay. Wag kang emo. Hindi ka talaga magiging masaya kung di mo tutulungan ang sarili mo. Natural lang na makaramdam ng lungkot paminsan-minsan. Pero ang pagiging miserable? Wag kang hibang. Choice mo yan."


"bakit ba ayaw matulog ng mga bata sa tanghali, alam ba nilang pag natuto silang umibig e hindi na sila makakatulog kahit gusto nila?


"hindi lungkot o takot ang mahirap sa pag-iisa kundi ang pagtanggap na sa bilyon-bilyong tao sa mundo, wala man lang nakipaglaban upang makasama ka."


"Kung nagmahal ka ng taong di dapat at nasaktan ka, wag mong sisihin ang puso mo. Tumitibok lng yan para mag-supply ng dugo sa katawan mo. Ngayon, kung magaling ka sa anatomy at ang sisisihin mo naman ay ang hypothalamus mo na kumokontrol ng emotions mo, mali ka pa rin! Bakit? Utang na loob! Wag mong isisi sa body organs mo ang mga sama ng loob mo sa buhay! Tandaan mo: magiging masaya ka lang kung matututo kang tanggapin na hindi ang puso, utak, atay o bituka mo ang may kasalanan sa lahat ng nangyari sayo, kundi IKAW mismo!"


"nalaman kong hindi final exam ang passing rate ng buhay. hindi ito multiple choice, identification, true or false, enumeration or fill-in-the-blanks na sinasagutan kundi essay na isinusulat araw-araw. Huhusgahan ito hindi base sa kung tama o mali ang sagot, kundi base sa kung may kabuluhan ang mga isinulat o wala. Allowed ang erasures."


"Wag magmadali sa pag-aasawa. Tatlo, lima, sampung taon sa hinaharap, mag-iiba pa ang pamantayan mo at maiisip mong di pala tamang pumili ng kapareha dahil lang sa kaboses niya si Debbie Gibson o magaling mag-breakdance. Totoong mas importante ang kalooban ng tao higit anuman. Sa paglipas ng panahon, maging ang mga crush ng bayan sa eskwelahan e nagmumukha ring pandesal. Maniwala ka."


"ayokong nasasanay sa mga bagay na pwede namang wala sa buhay ko "


"hinahanap mo nga ba ako o ang kawalan ko?"


"hindi dahil sa hindi mo naiintindihan ang isang bagay ay kasinungalingan na ito. at hindi lahat ng kaya mong intindihin ay katotohanan."


"Kumain ka na ng siopao na may palamang pusa o maglakad sa bubog nang nakayapak, pero wag na wag kang susubok mag-drugs. Kung hindi mo kayang umiwas, humingi ka ng tulong sa mga magulang mo dahil alam nila kung saan ang mga murang supplier at hindi ka nila iisahan."


"Mag-aral maigi. Kung titigil ka sa pag-aaral, manghihinayang ka pagtanda mo dahil hindi mo naranasan ang kakaibang ligayang dulot ng mga araw na walang pasok o suspendido ang klase o absent ang teacher. (Haaay, sarap!)."


"Mangarap ka at abutin mo. Wag mong sisihin ang sira mong pamilya, palpak mong syota, pilay mong tuta, o mga lumilipad na ipis. Kung may pagkukulang sa’yo mga magulang mo, pwde kang manisi at maging rebelde. Tumigil ka sa pag-aaral, mag-asawa ka, mag-drugs ka, magpakulay ka ng buhok sa kili-kili. Sa banding huli, ikaw din ang biktima. Rebeldeng walang napatunayan at bait sa sarili."


"Tuparin ang mga pangarap. Obligasyon mo yan sa sarili mo. Kung gusto mo mang kumain ng balde-baldeng lupa para malagay ka sa Guinness Book of World Records at maipagmalaki ng bansa natin, sige lang. Nosi balasi. wag mong pansinin ang sasabihin ng mga taong susubok humarang sa'yo. Kung hindi nagsumikap ang mga scientist noon, hindi pa rin tayo dapat nakatira sa jupiter ngayon. Pero hindi pa rin naman talaga tayo nakatira sa jupiter dahil nga hindi nagsumikap ang mga scientist noon. Kita mo yung moral lesson?"


"Nalaman kong marami palang libreng lecture sa mundo, ikaw ang gagawa ng syllabus. Maraming teacher sa labas ng eskuwelahan, desisyon mo kung kanino ka magpapaturo. Lahat tayo enrolled ngayon sa isang university, maraming subject na mahirap, pero dahil libre, ikaw ang talo kung nag-drop ka. Isa-isa tayong ga-graduate, iba't-ibang paraan. tanging diploma ay ang mga alaala ng kung ano mang tulong o pagmamahal ang iniwan natin sa mundong pinangarap nating baguhin minsan..."

Comments

Popular posts from this blog

“Ang Huling Tula na Isusulat ko Para Sayo” ni Juan Miguel Severo

"Kapag Sinabi Kong Mahal Kita" by Juan Miguel Severo

Love Struck Me Down